Having a Furbaby is a Commitment

Lahat ng hooman gustong magkaroon ng demidog, minsan nga hindi lang isa or dalawa. Yung iba, isang dosena ang gusto tulad ng mga magulang naming sila mommy Liit at daddy Payat. Madalas nga, dito nag-sisimula ang pagtatalo-talo ng mga “dog lovers” kuno dahil may mga mag-sasabi na kung dog lovers ka dapat aspin ang demidog mo kung hindi aspin ang demidog mo isa ka lang “breed lovers”. Pero sa totoo lang mapa-aspin yan o pure breed, ang dapat isipin ng hooman na gustong magkaroon ng demidog ay maibibigay mo ba ang mga pangangailangan nya? Sa totoo lang, hindi biro na mag-karoon ng demidog na tulad namin. Huwag ka ng sumubok mag-alaga kung katulad ka din naman ng dati mong jowa na hindi alam ang salitang commitment.

Hindi kasi puppy love lang ang pagkakaroon ng isang demidog na pag kinilig ka sa una gusto mo na, mahal mo na. Bagkus, isa itong true love na dapat mong panindigan umiyak man ang savings mo. Kaya naman sinubukan naming mga demidog na mag-lista ng ilang bagay na dapat isaalangalang ng mga hooman bago magpaka-alipin sa isang demidog.

Pagkain at Tubig

Kung ang hooman, mahihirapang mabuhay kung walang pagkain at tubig pano pa kaya kaming mga demidog? May mga hooman kasi na gustong gusto magkaroon ng demidog pero hindi naman nasasama sa budget nila ang pagkain ng mga demidog. Kaya imbes na tatlong beses o dalawang beses sa isang araw kumain ang demidog, nagiging isang beses na lang minsan pa nakakalimutan pang pakainin at bigyan ng tubig. Obligasyon ng mga hooman once na merong demidog sa kanilang tahanan na bigyan kami ng pagkain at tubig. Tulad namin, kahit super pihikan at ilang dog food na ang dumaan sa amin tulad ng Smartheart, PettoBento, Nutram, Top Breed, Bida Best, Royal Canin, Vitality, Nature’s Protection at kahit homemade ginawa na nila mommy at daddy hindi pa din sila nag-sasawa na hanapan kami ng tamang pagkain na masustansya.

Vaccination and Deworming

Magastos ang magpa-vaccine at deworming pero isa ito sa karapatan naming mga demidog na dapat ninyong mga hooman ibigay. Dahil malaki ang naitutulong nito sa amin para maka-iwas kami sa mga sakit hindi mo tulad na hindi nakaiwas sa sakit nong mahuli mong niloloko ka ng jowa mo. Pagdating din dapat sa vaccine at deworming dapat ginagawa ito ng lisensyadong veterinarian.

Grooming

Kung kayong mga hooman nga may oras para magpa-salon, kami ding mga demidog ay kailangang may grooming day. Hindi naman namin sinasabi na kailangan sa grooming shop nyo dalhin ang mga demidog dahil kahit basic grooming lang ay sapat na sa amin. Everyday na pagsusuklay sa fur, linis ng tenga, gupit ng kuko at syempre ang pagligo. Ayaw nyo naman siguro ng mabaho, madungis, dugyot na demidog ang sasalubong sa inyo pag-uwe nyo di ba.

Walking / Exercise / Play Time

Isa din sa dapat paglaanan ng oras ng mga hooman ay ang walking / exercise / play time naming mga demidog. Mapa-aspin pa yan or purebreed kailangan naming maubos ang energy na meron sa aming katawan kung ayaw nyong mamoblema dahil sa mga nasira naming mga gamit sa bahay. Pag napapagod kasi kaming mga demidog wala na sa isip namin na mang-ngatngat ng kaliwang tsinelas or ng pinto or ng basahan. Malaki din ang naitutulong nito sa healthy nyo dahil nakakapag-papawis na din kayo at nawawala kahit papano ang naipong milk tea sa tyan nyo.

Kung sa tingin nyo ay kaya nyong ibigay ang mga nilista namin ibig sabihin ay handang handa na kayong magpaka-alipin sa isang demidog. Pero bukod sa mga nilista namin na dapat ninyong ibigay, huwag na huwag nyo sanang kalimutan ang pag-mamahal dahil sa kabila ng pagiging makulit naming mga demidog ang pag-mamahal namin sa inyo ay hindi katulad ng mga jinowa mong sa umpisa lang sweet na.